Friday, May 29, 2015

HIV- AIDS

                                                    HIV-AIDS

   Sa kasalukuyan, ang usapin tungkol sa HIV-AIDS, isang nakaaalarmang sakit ng modernong panahon ay malaking banta sa pamumuhay ng mga mamamayan. Patuloy na lumalaki ang bilang ng mga mamamayang apektado ng naturang impeksyon sa ating bansa. Dahilan upang mapabilang ang Pilipinas sa 9 na bansang tumaas ang kaso nito batay sa isinagawang United Nations AIDS Report on the Global Aids Epidemic noong 2012. Ayon naman sa DOH (Department of Health), 25% ang naging pag-taas ng bilang nito sa bansa at tinatayang edad 15-49 anyos ang naitalang mga biktima. Sa kasalukuyan, 22 527 na ang bilang ng apektado ng impeksyon sa bansa mula noong 1984 hanngang 2014. Sa kabuuang bilang na ito, 93.2% ang naging positibo dahil sa pakikitalik , 6.3% sa pag-gamit muli ng maruruming karayom, 0.3% dahil sa kaso ng mother to child transmission  at 0.2%  dahil sa pagsasalin ng dugo at mga sugat na sanhi ng maruming karayom. Itinuturong pangunahing ugat ng problemang ito ang mga kaso ng males having sex with males (MSM) o ang pakikipagtalik sa kaparehong kasarian. Dahil dito, hinihikayat ng pamahalaan at DOH ang  LGBT Community (Less beyond, Gays, Bi-sexual, Transgender) na makipagtulungan upang mapigilan ang mabilis na pag-taas ng kaso sa Pilipinas. May malaking kontribusyon din daw ang social media sa pangyayaring ito dahil ito ang nagsisilbing tulay ng impeksyon upang  makahawa sa iba.
   
   Ang  HIV-AIDS (Human Immunodeficiency Virus) ay ang matagumpay na pagpasok ng impeksyon sa katawan ng tao. Sa mga panahong ito, walang anumang palatandaan ang mararamdaman ngunit malaki na ang posibilidad na makahawa sa iba. Matapos ang 5-10 taon ng pamamalagi  ng impeksyon sa katawan ng tao, unti- unti itong manghihina at maaaring makaramdam ng mga sintomas tulad ng mabilisang pagbabawas ng timbang, palagiang lagnat at ubo, pangangalumata, paglalagas ng buhok, panghihina at pagkabaliw. Ang bahaging ito ng impeksyon ay tinatawag na AIDS (Acquired Immune Deficiency Syndrome) kung saan ang sistemang immuno ay nawawalan na ng lakas na labanan ang iba pang mas malalang mga sakit. Dahil na nga sa patuloy na panghihina ng immune system, maaaring mauwi ang pangyayaring ito sa kamatayan ng isang indibidwal.
 
   Ang impeksyong ito ay pangunahing naisasalin sa pamamagitan  ng hindi ligtas na pakikitaliko ang hindi pg-gamiy ng mga kagamitang  pangkaligtasan tulad ng nga condoms, pills at iba pa. Ang ilang mga likido sa ating katawan tulad ng dugo, sermilya at katas ng ari ng babae ay nagtataglay ng mga mikrobyo na nagdudulot ng impeksyon. Iwasan din ang pag-uulit ng pag-gamit ng mga karayom at mga condoms dahil sa madumin at hindi na ito ligtas para sa katawan.  Ang mga kaso ng mother to child transmission ay isang delikadong paraan ng pagsasalin sapagkat mga sanggol ang pangunahing biktima nito na nahahawa dala ng pagbubuntis , panganganak at pagpapasuso ng kanyang inang positibo at ku
ng iisipin ay may mahinang resistensya at walang kakayahang labanan ang nakamamatay na sakit.
 
   Marahil isa sa mga dahilan kung bakit kinatatakutan ang HIV ay ang katotohanang hanggang sa ngayon ay wala pa ring natutuklasang gamot ang mga doktor dito. Ngunit sa kabila nito, may nga gamut naman ang maaaring magkontrol sa HIV. Ang mga Antiretroviral Therapy (ARVs) ay ang pansamantalang lunas nito. Tinutulungan ng mga gamot na ito ang katawan sa pagkakaroon ng lakas upang labanan ang iba pang mga sakit na dulot ng impeksyon. May mga terapiya ring inirerekomenda ang mga doktor  sa mga biktima tulad ng Highly- Active Anti-Retro viral Therapy (HAART). Ngunit ang mga gamot ng terapiyang ito ay may kamahalan at maaaring magkaroon ng side effects sa taong umiinom. Mas mainam pa ring isagawa ang mga mga natural na pamamaraan upang magpalakas tulad na lamang ng pagkakaroon ng balanced diet sa hapagkainan. Ang pag- eehersisyo ay makatutulong upang mapalakas ang mga muscle ng na magreresulta sa pagkakaroon ng magandang sirkulasyon ng dugo sa buong katawan. Iwasan din ang mga bisyo tulad ng paninigarilyo at pag-inom ng alak sapagkat nagtataglay ang mga ito ng mga kemikal na mapanganib para sa atin.  

   Isa sa mga karapatang dapat nating matamo ay ang pagkakaroon ng magandang kalusugan. Ngunit sa kabila ng karapatang ito, may mga tungkulin pa ring dapat nating gampanan .Ito ay ang pangalagaan ang ating katawan at ilayo sa anumang kapahamakan. Huwag nating hayaang  lamunin ito ng mga sakit at unti- unti manghina dahil sa ating kapabayaan. Tayo ang pinakamahalagang nilalang ng maykapal at namuamukod tangi sa lahat.

Thursday, May 21, 2015

MASARAP NA LASON


                                            


 MASARAP NA LASON


            Lahat ng lason ay mapanganib at nakamamatay. Ngunit may isang natatanging lason ang patuloy pa ring  tinatangkilik ng napakaraming tao. Lasong nagsimula sa patikim-tikim at nang lumaon ay naging malaking bisyo na, na kasalukuya’y malaking banta sa ating kalusugan at nagiging isang malaking suliranin ng ating lipunan. Ito ay ang sigarilyo, masarap na lason kung tawagin na isa sa mga puno’t dulo ng mga problema ng modernong panahon.

            Ang bansang Pilipinas ay binansagan nang “Smoker’s Heaven” dahil sa patuloy na paglobo ng bilang ng mga mamamayang naninigarilyo dito. Noong 2002,ikalabinlima tayo sa may pinakamalaking bilan ng mga gumagamit ng tabako sa buong mundo at ikalawa naman sa Timog-Silangang Asya ayon sa World Health Organization(WHO). Kung gaano kataas ang bilang ng mga naninigarilyo ay ganoon naman kababa o kamura ang presyo ng sigarilyo sa bansa kung kaya’t madali para sa mga tao dito ang makabili at makagamit nito. Lumabas din sa pag-aaral na sampung pilipino ang namamatay kada oras dahil sa paninigarilyo.

            Batay sa isinagawang Global Adult Tobacco Survey (GATS) noong 2009, 28% o 17.3 milyong pilipino na nasa sapat na gulang ay kasalukuyan pa ring naninigarilyo. 48% o 14.6 milyon ay kalalakihan habang 9% o 2.8 milyon ay kababaihan. 23% dito ay araw-araw na naninigarilyo na nakakaubos ng pito hanggang labindalawang pirasong sigarilyo  kada araw. Nakapaloob din sa survey na ito ang datos ng mga taong sinubok na hindi manigarilyo sa loob ng labindalawang buwan,na nagpatunay lang na mahirap labanan ang adiksyon sa bisyo dahil sa 48% ng taong sumubok nito,tanging 5% lamang ang nagtagumpay at tuluyan nang itinigil ang kanilang bisyo.

            Ayon naman sa World Health Organization (WHO),6 na milyong katao sa buong mundo ang namamatay kada taon at isa naman kada anim na segundo dahil sa bisyong ito. Hindi malabong sa pagdating ng taong 2030,dumagdag pa ang bilang at maging 8 milyon na ang mamamatay kada taon. Napagalaman ring sa 4,000 kemikal na nakapaloob sa sigarilyo, 250 ang mapanganib at 50 ang maaaring magdulot ng kanser at iba pang sakit. Noong 2004,28% ng kabuuang bilang  ng mga bata sa buong mundo ang namatay kasama rin ang 600,000  sanggol dahil sa “Second-Hand Smoking” kung saan nalalanghap nila ang usok galing sa bibig ng taong direktang naninigarilyo. Halos kalahati ng kabuuang populasyon ng kabataan sa buong mundo ay sa ngayo’y nakalalanghap ng maruming hangin.

            Mayroong mga batas ang tumutulong upang pigilin ang patuloy na paglaki ng bilang ng mga naninigarilyo sa ating bansa. Isa dito ang Batas Republika 9211 o mas kilala bilang Tobacco Regulation Act of 2003. Nakapaloob dito ang wastong distribusyon ng produktong tabako. Nakasaad din dito ang pagbabawal ng paninigarilyo sa mga pampublikong lugar. Ngunit kung ating mapapansin sa kasalukuyan,marami pa rin ang naninigarilyo sa lugar kung saan maraming tao tulad ng parke,pamilihan at mga pampublikong sasakyan kaya’t maraming tao pa rin ang napapasama at naaapektuhan di lamang ang mga mahihirap kundi maging ang  mga bata na walang kamuwang-muwang.

            Ang mapanganib na epekto ng sigarilyo ay makikita ngayon sa kalagayan ng kalusugan natin. Marami na ang nagkakasakit ng malubha dahil sa paninigarilyo. Isa sa mga sakit na ito ay ang pagkakaroon ng kanser sa ibat-ibang parte ng ating katawan partikular na sa ating baga. Nagdudulot din ito ng pagkahirap sa paghinga,pagkasunog ng balat at tuluyang pagkawala ng boses. Ang mga sakit na ito ay dulot ng nicotine, isang mapanganib na kemikal na isa sa mga sangkap ng sigarilyo,na kapag nahalo sa hangin at ating nalanghap ay nagdudulot ng sakit. Ito ang dahilan kung bakit ang mga taong nakapaligid sa naninigarilyo,kahit di gumagamit nito ay nagkakasakit din. Ang masama, sila pa ang mas nagkakaroon ng mga malulubhang karamdaman.

            Ang paninigarilyo ay walang magiging magandang dulot sa atin. Maliban sa masamang epekto nito sa kalusugan,nakahahadlang din ito sa pag-unlad ng ating buhay. Sa halip na ipambili na ng makakain ng pamilya,ibibili pa ito ng sigarilyo matustusan lamang ang bisyo. Sa bawat sahod o perang ating natatanggap ay palagiang may nakalaan para dito. Pagiging makasarili lamang ang pinapakita natin sa pag-uugaling ito.

            Sa kabila nito,patuloy pa rin ang pamahalaan sa paggawa ng paraan upang sugpuin ang paninigarilyo. Sila ay gumagawa ng mga proyekto na makatutulong sa pag-iwas sa paggamit ng tabako. Isa sa mga ito ay ang mga patalastas sa telebisyon at maging sa radyo na nagpapaalala sa atin ng panganib ng tabako. Pinagiisipan na rin nila ang paglalagay ng mga larawan sa mga pakete ng sigarilyo na magpapakita ng mga epekto ng paninigarilyo sa ating katawan. Maging ang pagtaas ng presyo ay kanila na ring pinagdedesisyunan. Nagbabakasakali ang pamahalaan na kung kanilang tataasan ng 10% ang presyo ng sigarilyo,kasunod nito ay ang pagbaba ng 4% ng mga naninigarilyo.

            Syempre hindi ito magagawa ng pamahalaan kung wala ang tulong nating mga mamamayan. Huwag nating hayaang basta na lang tayong lamunin ng pagkaadik sa lasong ito bagkus isipin natin ang kapakanan hindi lamang ng ating sarili kundi ng nakararami rin lalo na ang mga taong nakapaligid sa atin. Sa sarili nating pamamaraan,makatutulong na tayo sa pagpapababa ng bilang ng gumagamit ng lasong ito, isang maliit na bagay ngunit kayang kumitil ng napakaraming buhay.

            Ating pahalagahan ang buhay na ipinagkaloob ng Diyos sa atin. Tandaang walang permanente sa ating mundo kung kaya’t sulitin natin ang bawat araw na tayo ay humihinga pa at nagagawa ang mga bagay na nais nating gawin. Itigil na natin ang paninigarilyo,bisyong masarap lamang sa una,pighati’t pagsisisi naman ang dulot sa huli.

EL NIÑO SA PILIPINAS



EL NIÑO SA PILIPINAS

 “Mahina hanggang katamtaman lamang ang magiging epekto ng El Nino Phenomenon sa bansa," ganito inilarawan ng Philippines Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAG-ASA) ang nagbabadyang tag-tuyot sa bansa. Gayunpaman pinaalalahanan pa rin ang publiko na mag-ingat sa anumang posibleng mangyari lalo na’t hindi biro ang makaramdam ng ganitong klima.

Tinatawag na El Niño ang malawakang pagbabago ng klima ng mundo bunga ng hindi normal na pag-init ng Karagatang Pasipiko na kadalasang nangyayari sa kapanahunan ng Pasko. Tumatagal ang ganitong klima ng 12 hanggang 24 na buwan at maaari namang maulit sa loob ng dalawa hanggang pitong taon. Nakaaapekto ang ganitong klima sa bilang ng mga “tropical cyclones” na dumarating kada taon dahil maaari nitong palakasin o pahinain and mga bagyong ito.

Naitala ang pinakamatinding tagtuyot sa bansa noong Hunyo hanggang Oktubre taong 1997 at Hulyo hanggang Agosto taong 1998 na naminsala sa 16 na rehiyon o higit sa 68% ng bansa. Umabot sa 8.46 bilyong piso ang nawala sa sektor ng agrikultura bunga ng kakulangan sa tubig dahil tumagal lamang ng apat na oras ang naging daloy nito noon kada araw kung kaya’t 100 000 tonelada ng bigas ang nawalan ng patubig. Nagdulot ito ng matinding krisis at kakulangan sa pagkain na nagpakalam sa sikmura ng mga mamamayan. Lalo pang sumidhi ang pagkalugmok ng agrikultura nang magkaroon ng sunog sa may 9 400 hektaryang lupain sa kagubatan. Dahil nga sa matinding init, naapektuhan na rin maging ang suplay ng kuryente lalo na sa mga lugar na gumagamit ng “hydropower plants” o kuryenteng nagmumula sa mga talon at iba pang mga katubigan. Nanganib ang kalusugan ng mga mamamayang Pilipino sa pagkalat ng iba’t-ibang sakit tulad ng malaria, cholera, dengue fever, diarrhea, at malnutrisyon sa buong bansa. Halos 80 ang namatay at 2.6 milyong katao ang naapektuhan ng naturang  kalamidad.

Bagama't hindi kayang iwasan ay maaari namang mapaghandaan ang mga natural na kalamidad tulad ng nararanasan natin ngayon. Makakatulong nang lubos sa suplay ng pagkain ang pagtatanim ng mas maaga sa nakasagawiang panahon. Ang pag-iimpok, pagsasaayos ng sirang tubo, gripo, at iba pang bagay na dinadaluyan ng tubig at pagtitipid ay magreresulta upang  magkaroon ng tubig na gagamitin sa pangaraw-araw na pamumuhay. Samantala, sinosolusyonan na ng pamahalaan ang malaking problema sa kasalatan sa tubig at isa sa mga ito ay ang “Rotational Water Distribution” kung saan magkakaroon ng kanya-kanyang iskedyul sa pag-rarasyon ng tubig ang bawat lugar sa bansa. Malaking tulong din sa ngayon ang mga makabago at siyentipikong pamamaraan ng pagpapaulan tulad na lamang ng “Cloud Seeding” kung saan nilalagyan ng kemikal ang kalangitan upang bumuhos ang ulan. Pinaka-epektibo ang pamamaraang ito at kasalukuyang ginagawa ng ating  pamahalaan katulong ang ilang ahensiya ng Agham upang madagdagan ng tubig ang mga dam na sa nanganganib nang matuyo.

Marahil ang pangyayaring ito ay isang mensahe ng panginoon. Mensaheng nagpapaalala na ang tao ay ginawa hindi upang lapastangin ang kanyang likha. Ginawa tayo ng maykapal upang mag- silbing tagapangalaga ng ipinagkaloob niyang tahanan ng sangkatauhan. 

ⓒMay-akda
Hunyo 10, 2015