EL NIÑO SA PILIPINAS
“Mahina hanggang katamtaman lamang ang
magiging epekto ng El Nino Phenomenon sa bansa," ganito inilarawan ng
Philippines Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration
(PAG-ASA) ang nagbabadyang tag-tuyot sa bansa. Gayunpaman pinaalalahanan pa rin
ang publiko na mag-ingat sa anumang posibleng mangyari lalo na’t hindi biro ang
makaramdam ng ganitong klima.
Tinatawag na El Niño ang malawakang
pagbabago ng klima ng mundo bunga ng hindi normal na pag-init ng Karagatang
Pasipiko na kadalasang nangyayari sa kapanahunan ng Pasko. Tumatagal ang
ganitong klima ng 12 hanggang 24 na buwan at maaari namang maulit sa loob ng dalawa hanggang pitong taon.
Nakaaapekto ang ganitong klima sa bilang ng mga “tropical cyclones” na
dumarating kada taon dahil maaari nitong palakasin o pahinain and mga bagyong ito.
Naitala ang pinakamatinding
tagtuyot sa bansa noong Hunyo hanggang Oktubre taong 1997 at Hulyo hanggang Agosto taong 1998 na
naminsala sa 16 na rehiyon o higit sa 68% ng bansa. Umabot sa 8.46 bilyong piso ang nawala sa sektor ng agrikultura bunga ng kakulangan sa tubig dahil tumagal
lamang ng apat na oras ang naging daloy nito noon kada araw kung kaya’t 100 000
tonelada ng bigas ang nawalan ng patubig. Nagdulot ito ng matinding krisis at
kakulangan sa pagkain na nagpakalam sa sikmura ng mga mamamayan. Lalo pang
sumidhi ang pagkalugmok ng agrikultura nang magkaroon ng sunog sa may 9 400
hektaryang lupain sa kagubatan. Dahil nga sa matinding init, naapektuhan na rin
maging ang suplay ng kuryente lalo na sa mga lugar na gumagamit ng “hydropower
plants” o kuryenteng nagmumula sa mga talon at iba pang mga katubigan. Nanganib
ang kalusugan ng mga mamamayang Pilipino sa pagkalat ng iba’t-ibang sakit
tulad ng malaria, cholera, dengue fever, diarrhea, at malnutrisyon sa buong
bansa. Halos 80 ang namatay at 2.6 milyong katao ang naapektuhan ng naturang kalamidad.
Bagama't hindi kayang iwasan ay maaari namang
mapaghandaan ang mga natural na kalamidad tulad ng nararanasan natin ngayon.
Makakatulong nang lubos sa suplay ng pagkain ang pagtatanim ng mas maaga sa
nakasagawiang panahon. Ang pag-iimpok, pagsasaayos ng sirang tubo, gripo, at
iba pang bagay na dinadaluyan ng tubig at pagtitipid ay magreresulta upang magkaroon ng tubig na gagamitin sa pangaraw-araw
na pamumuhay. Samantala, sinosolusyonan na ng pamahalaan ang malaking problema sa
kasalatan sa tubig at isa sa mga ito ay ang “Rotational Water Distribution” kung
saan magkakaroon ng kanya-kanyang iskedyul sa
pag-rarasyon ng tubig ang bawat lugar sa bansa.
Malaking tulong din sa ngayon ang mga makabago at siyentipikong pamamaraan ng
pagpapaulan tulad na lamang ng “Cloud Seeding” kung saan nilalagyan ng kemikal
ang kalangitan upang bumuhos ang ulan. Pinaka-epektibo ang pamamaraang ito at kasalukuyang ginagawa ng ating pamahalaan katulong ang ilang ahensiya ng
Agham upang madagdagan ng tubig ang mga dam na sa nanganganib nang
matuyo.
Marahil ang pangyayaring ito ay isang
mensahe ng panginoon. Mensaheng nagpapaalala na ang tao ay ginawa hindi upang
lapastangin ang kanyang likha. Ginawa tayo ng maykapal upang mag- silbing
tagapangalaga ng ipinagkaloob niyang tahanan ng sangkatauhan.
ⓒMay-akda
Hunyo 10, 2015

No comments:
Post a Comment