Thursday, May 21, 2015

MASARAP NA LASON


                                            


 MASARAP NA LASON


            Lahat ng lason ay mapanganib at nakamamatay. Ngunit may isang natatanging lason ang patuloy pa ring  tinatangkilik ng napakaraming tao. Lasong nagsimula sa patikim-tikim at nang lumaon ay naging malaking bisyo na, na kasalukuya’y malaking banta sa ating kalusugan at nagiging isang malaking suliranin ng ating lipunan. Ito ay ang sigarilyo, masarap na lason kung tawagin na isa sa mga puno’t dulo ng mga problema ng modernong panahon.

            Ang bansang Pilipinas ay binansagan nang “Smoker’s Heaven” dahil sa patuloy na paglobo ng bilang ng mga mamamayang naninigarilyo dito. Noong 2002,ikalabinlima tayo sa may pinakamalaking bilan ng mga gumagamit ng tabako sa buong mundo at ikalawa naman sa Timog-Silangang Asya ayon sa World Health Organization(WHO). Kung gaano kataas ang bilang ng mga naninigarilyo ay ganoon naman kababa o kamura ang presyo ng sigarilyo sa bansa kung kaya’t madali para sa mga tao dito ang makabili at makagamit nito. Lumabas din sa pag-aaral na sampung pilipino ang namamatay kada oras dahil sa paninigarilyo.

            Batay sa isinagawang Global Adult Tobacco Survey (GATS) noong 2009, 28% o 17.3 milyong pilipino na nasa sapat na gulang ay kasalukuyan pa ring naninigarilyo. 48% o 14.6 milyon ay kalalakihan habang 9% o 2.8 milyon ay kababaihan. 23% dito ay araw-araw na naninigarilyo na nakakaubos ng pito hanggang labindalawang pirasong sigarilyo  kada araw. Nakapaloob din sa survey na ito ang datos ng mga taong sinubok na hindi manigarilyo sa loob ng labindalawang buwan,na nagpatunay lang na mahirap labanan ang adiksyon sa bisyo dahil sa 48% ng taong sumubok nito,tanging 5% lamang ang nagtagumpay at tuluyan nang itinigil ang kanilang bisyo.

            Ayon naman sa World Health Organization (WHO),6 na milyong katao sa buong mundo ang namamatay kada taon at isa naman kada anim na segundo dahil sa bisyong ito. Hindi malabong sa pagdating ng taong 2030,dumagdag pa ang bilang at maging 8 milyon na ang mamamatay kada taon. Napagalaman ring sa 4,000 kemikal na nakapaloob sa sigarilyo, 250 ang mapanganib at 50 ang maaaring magdulot ng kanser at iba pang sakit. Noong 2004,28% ng kabuuang bilang  ng mga bata sa buong mundo ang namatay kasama rin ang 600,000  sanggol dahil sa “Second-Hand Smoking” kung saan nalalanghap nila ang usok galing sa bibig ng taong direktang naninigarilyo. Halos kalahati ng kabuuang populasyon ng kabataan sa buong mundo ay sa ngayo’y nakalalanghap ng maruming hangin.

            Mayroong mga batas ang tumutulong upang pigilin ang patuloy na paglaki ng bilang ng mga naninigarilyo sa ating bansa. Isa dito ang Batas Republika 9211 o mas kilala bilang Tobacco Regulation Act of 2003. Nakapaloob dito ang wastong distribusyon ng produktong tabako. Nakasaad din dito ang pagbabawal ng paninigarilyo sa mga pampublikong lugar. Ngunit kung ating mapapansin sa kasalukuyan,marami pa rin ang naninigarilyo sa lugar kung saan maraming tao tulad ng parke,pamilihan at mga pampublikong sasakyan kaya’t maraming tao pa rin ang napapasama at naaapektuhan di lamang ang mga mahihirap kundi maging ang  mga bata na walang kamuwang-muwang.

            Ang mapanganib na epekto ng sigarilyo ay makikita ngayon sa kalagayan ng kalusugan natin. Marami na ang nagkakasakit ng malubha dahil sa paninigarilyo. Isa sa mga sakit na ito ay ang pagkakaroon ng kanser sa ibat-ibang parte ng ating katawan partikular na sa ating baga. Nagdudulot din ito ng pagkahirap sa paghinga,pagkasunog ng balat at tuluyang pagkawala ng boses. Ang mga sakit na ito ay dulot ng nicotine, isang mapanganib na kemikal na isa sa mga sangkap ng sigarilyo,na kapag nahalo sa hangin at ating nalanghap ay nagdudulot ng sakit. Ito ang dahilan kung bakit ang mga taong nakapaligid sa naninigarilyo,kahit di gumagamit nito ay nagkakasakit din. Ang masama, sila pa ang mas nagkakaroon ng mga malulubhang karamdaman.

            Ang paninigarilyo ay walang magiging magandang dulot sa atin. Maliban sa masamang epekto nito sa kalusugan,nakahahadlang din ito sa pag-unlad ng ating buhay. Sa halip na ipambili na ng makakain ng pamilya,ibibili pa ito ng sigarilyo matustusan lamang ang bisyo. Sa bawat sahod o perang ating natatanggap ay palagiang may nakalaan para dito. Pagiging makasarili lamang ang pinapakita natin sa pag-uugaling ito.

            Sa kabila nito,patuloy pa rin ang pamahalaan sa paggawa ng paraan upang sugpuin ang paninigarilyo. Sila ay gumagawa ng mga proyekto na makatutulong sa pag-iwas sa paggamit ng tabako. Isa sa mga ito ay ang mga patalastas sa telebisyon at maging sa radyo na nagpapaalala sa atin ng panganib ng tabako. Pinagiisipan na rin nila ang paglalagay ng mga larawan sa mga pakete ng sigarilyo na magpapakita ng mga epekto ng paninigarilyo sa ating katawan. Maging ang pagtaas ng presyo ay kanila na ring pinagdedesisyunan. Nagbabakasakali ang pamahalaan na kung kanilang tataasan ng 10% ang presyo ng sigarilyo,kasunod nito ay ang pagbaba ng 4% ng mga naninigarilyo.

            Syempre hindi ito magagawa ng pamahalaan kung wala ang tulong nating mga mamamayan. Huwag nating hayaang basta na lang tayong lamunin ng pagkaadik sa lasong ito bagkus isipin natin ang kapakanan hindi lamang ng ating sarili kundi ng nakararami rin lalo na ang mga taong nakapaligid sa atin. Sa sarili nating pamamaraan,makatutulong na tayo sa pagpapababa ng bilang ng gumagamit ng lasong ito, isang maliit na bagay ngunit kayang kumitil ng napakaraming buhay.

            Ating pahalagahan ang buhay na ipinagkaloob ng Diyos sa atin. Tandaang walang permanente sa ating mundo kung kaya’t sulitin natin ang bawat araw na tayo ay humihinga pa at nagagawa ang mga bagay na nais nating gawin. Itigil na natin ang paninigarilyo,bisyong masarap lamang sa una,pighati’t pagsisisi naman ang dulot sa huli.

No comments:

Post a Comment